Maaring naririnig natin ang salitang ito sa araw-araw o nababasa sa social media o di kaya ay napapanood sa telebisyon.
Ayon sa aking pagsasaliksik, ang Ekonomiya ay binubuo ng mga sistemang ekonomiko ng isang bansa o ibang area: trabaho, puhunan, pinagkukunang lupain, pagmamanupaktura, produksyon, pangangalakal, distribusyon at pagkonsumo ng mga kalakal at serbisyo ng areang ito. (source: https://tl.wikipedia.org/wiki/Ekonomiya)
Ang ekonomiya ng isang bansa ang nagsasabi kung ito ay maunlad, papaunlad o pinapaunlad pa lamang.
Ang ekonomiya ay binubuo ng tatlong pangunahing sektor: Agrikultura (Primarya): pinagkukunan ng mga hilaw na materyales, Industriya (Sekondarya): ang nagpoproseso ng mga hilaw na materyales at Paglilingkod (Tersarya): ang nagbibigay ng serbisyo sa mga negosyo at konsyumer.
Mga Suliraning nangyayari sa Ekonomiya
Sa isang ekonomiya, hindi talaga maiiwasan ang mga nangyayaring suliranin. Ang mga bagay na nakalahad sa ibaba ay ilan lamang sa mga suliraning kinaharap ng iba't ibang bansa, kasama ang Pilipinas sa mga nakalipas na mga panahon.
1.) Hyperinflation- kung ang inflation ay ang pagtaas ng presyo ng isang produkto, ang hyperinflation ay ang labis at mabili pagtaas ng presyo ng produkto . Ito ay nangyayari kung masyado nang mababa ang halaga ng pera ng isang bansa. Noong 1970's, may nanyaring hyperinflation sa bigas sa kapanahunan ni Dating Pangulong Marcos.
2.) Overpopulation- ang sobrang pagtaas ng populasyon sa isang bansa sa loob ng sandaling panahon maaring magresulta sa unti-unting pagbagsak ng isang bansa. Dahil dito, maaring mas tumaas ang demand at bumaba ang suplay na maaring magresulta sa kakapusan sa suplay ng mga pangangailangan.
3.) Mataas na unemployment rate- ang unemployment rate ay nangyayari kung kakaunti ang mga may trabaho o kumikita sa isang bansa. Maari itong magresulta sa mababang output ng ekonomiya dahil kakaunti lamang ang nagiging produktibo. Noong 2014, ang Pilipinas ay nakakuha ng 6.9% na unemployment rate, ang pinakamataas sa buong Asya, kumpara sa Vietnam na may 2.3% at Thailand na may 1% lamang.
4.) Kalamidad- ito ang pinakamadalas na suliranin ng mga bansang malalapit sa mga anyong tubig tulad ng Pilipinas. Kada taon, ang Pilipinas ay nakararanas ng 20 o higit pang bagyo na nagiging dahilan ng mabagal na pag-unlad ng bansa dahil imbes na gamitin ang pondo sa pagpapaunlad ng bansa, nagagasta ito sa muling pagpapatayo ng mga nasirang imprastraktura at pagtulong sa mga nasalantang mamamayan.
5.) Korapsyon- ito ang isa sa mga pinakalaganap na suliranin sa buong mundo. Ang isang korap na opisyal ay maaaring magdulot ng mabagal na takbo ng ekonomiya. Noong 2013, isang naging malaking isyu sa bansa ang Pork Barrel Scam o ang paggamit ng ilang mga politiko sa Policy on Priority Development Assistance Fund (PDAF) para sa mga personal na kadahilanan.
Solusyon sa mga Suliranin
1.) Pagpapaunlad ng output ng bansa- ang pagpapaunlad ng kabuuang output ng bansa o GNP (Gross National Product) ay isang magandang paraan upang mapaganda ang ekonomiya at mapataas muli ang halaga ng sariling pera upang maiwasan ang implasyon at lalong-lalo na ang hyperinflation.
2.) Pagkontrol sa populasyon- Ang paraang ito ay ginagawa na ng Tsina (most populous country in the world). Kaya, nagpapatupad na ito ng one-child policy na ginawa nang two-child policy. Samantala, ang senado at Simbahang Katoliko ay pinag-uusapan na rin kung ipatutupad ang RH Bill.
3.) Pagdadagdag ng investor sa bansa- ang gawaing ito ay ginagawa ng mga pangulo. Ang panghahalina sa mga negosyante na mag-invest sa ating bansa ay magdadagdag ng oportunidad sa ating bansa upang mabawasan ang unemployment rate sa bansa.
4.) Paghahanda ng calamity fund- sa ngayon, ang local government unit sa mga lugar na lapitin sa baha tulad ng Bulacan ay may inihahanda na calamity fund na ginagamit nila sa mga relief at evacuation operations.
5.) Pagboto ng karapatdapat na opisyal- ito ang pinakamahalagang pribilehiyong ipinagkakaloob sa bawat mamamayang nasa tamang edad bawat tatlong taon. Ang pagpili ng karapatdapat na opisyal ang magiging instrumento upang maging maunlad at progresibo ang isang bansa.
Mga Adbokasiya at mga Benepisyo nito (Para sa Sektor ng Agrikultura)
1.) Pagpapaunlad ng AFMA- Ang adbokasiyang ito ay pagpapatibay lamang ng Batas Republika blg.8435 o Agriculture and Fisheries Modernization Act ni Dating Pangulong Fidel Ramos. Ito ay upang mas paunlarin ang pag-aani at pangingisda ng mga nasa sektor ng agrikultura. Ito ay magiging malaking tulong hindi lamang sa sektor na ito kundi pati rin sa industriya na siyang napoproseso ng mga produkto ng agrikultura. Ang hakbang na ito ay maaring magresulta sa mas murang presyo ng mga produkto.
2.) Pamimigay sa lupa sa Hacienda Luisita- Ang pamamahagi sa lupa ng mga Cojuangco o mas kilala bilang Hacienda Luisita ay isa nang matagal na isyu sa ating bansa. Ito ay mula nang ipatupad ng Dating Pangulong Cory Aquino ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa bisa ng Batas Republika Blg. 6657. Maraming nang buhay ng magsasaka ang nabawi dahil dito. Kung maipamimigay ang pribadong lupa ito sa mga magsasakang matagal nang nagtatrabaho sa lupaing iyon, mas malaking kita ang makukuha ng mga magsasaka at mababawasan ang kanilang babayaran para may maitanim.
3.) Pamimigay ng lupain ng pamahalaan- ito ay hango sa 1903 Public Land Act. Ito ay naglalayong ipamigay ang mga lupain ng pamahalaan sa mga magsasakang nagbubungkal ng lupa na hindi hihigit sa 16 na ektarya. Ito ay maaring magresulta sa mas malaking kita ng mga magsasaka at maaring maging mura na rin ang presyo ng bigas.
4.) Mas maayos na proseso ng pag-aari ng lupa- hango ito sa 1902 Land Registration Act . Ito ay upang maiwasan ang pang-aabuso at pang-aangkin ng lupa ng mga mayayamang may-ari ng lupa sa mga naghihirap na magsasaka. Kung ito ay maipagtitibay, hindi na maagaw sa mga magsasaka ang kanilang lupa at matututo silang ipaglaban ang pag-aari nila sa kanilang lupa.
5.) Bigyan limitasyon sa pag-aari ng lupa- base ito sa Philippine Bill ng 1902. Ito ay nagbibigay ng limitasyon sa isang indibidwal ng maari lamang nitong ariin na lupa. Ang magiging benepisyo nito ay maiiwasan ang pang-aabuso sa mga likas na yaman ng bansa.